Matapos mag-react si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio ‘Vince’ Dizon sa kanyang pahayag na may mga opisyal ng ahensiya na sikretong nakikipagpulong sa mga kontratista, pinangalanan na ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang opisyal na kanyang pinatutsadahan.
“Ang focus ko ay sana repormahin natin ang sistema at huwag nating isipin na kung papalitan lamang natin ang mga tao na gagawa ng bidding ng mga project, wala nang korapsiyon,” sabi ni Leviste.
Sa panayam sa DZRH, diretsahang tinukoy ni Leviste ang DPWH official na diumano’y palihim na nakipagpulong sa mga kontratista na si Undersecretary Arrey Perez.
“Narinig ko na ipapahawak daw sa kanya ang procurement at bidding ng malalaking proyekto sa Central Office ng DPWH,” giit ni Leviste.
Noong Huwebes, nangako si Dizon na agad niyang sisibakin sa puwesto ang sino mang opisyal ng kagawaran na makikipagkutsabahan sa mga kontratista para makakuha ng maanomalyang proyekto ng gobyerno.
