May koneksyon ang pamilya Escudero sa construction company na Octagon Concrete Solutions, na nagkakahalaga ngayon ng P2 bilyon dahil sa mga nakuha nitong infrastructure projects noong 2024, ayon sa ulat ng Rappler.
Ayon sa ulat ng Rappler, ang Octagon Concrete Solutions ay bahagyang pagmamay-ari ni Joseph John Quirante, ang asawa ni Sorsogon 1st District Rep. Marie Bernadette “Dette” Escudero, na kapatid ni Sen. Chiz.
Si Quirante ang chief financial officer (CFO) ng Octagon at may hawak na limang porsyento o ₱50 milyong halaga ng shares sa kumpanya, base sa General Information Sheet (GIS) nito noong Hunyo 2025.
Si Milton S. Ngu ang presidente ng Octagon, na kapatid ni Maynard S. Ngu, na inakusahan umanong “bagman” ni Chiz para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Matatandaang itinanggi ng senador ang mga nasabing paratang.
Mula 2016 hanggang 2025, o sa loob ng siyam na taon sa ilalim nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., umabot na sa ₱6.45 bilyon ang kabuuang halaga ng mga kontrata ng Octagon sa DPWH, kabilang ang mga joint venture projects nito sa kontrobersyal na Wawao Builders.
Ayon naman sa dokumento ng kumpanya na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC) para sa taong 2025, tinatayang nagkakahalaga na ng ₱2.3 bilyon ang Octagon.
Samantala, wala pang tugon ang mga panig nina Quirante, Ngu, Rep. Escudero, at Sen. Escudero hinggil sa isyung ito.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
