Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Biyernes, Setyembre 26, na halos P36 bilyong pondo para sa flood control projects, sa proposed 2026 national budget, ang ililipat sa mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ikinalulugod kong ibahagi sa inyo na halos P36 bilyon na pondo galing sa DPWH na nakuha natin sa flood control project, itong halagang ito ay ilalaan natin sa mga programa ng DSWD,” saad ni PBBM.
“Nais pa nating dagdagan ang mga pamilyang may sapat na kakayahan na itaguyod ang kanilang buhay kaya’t patuloy nating pinapalakas ang 4Ps,” saad ng pangulo sa kanyang talumpati sa “Kumustahan ng Pamilyang Matatag: Kasama ang Huwarang Pantawid at Unang Pamilya.”
Inihayag din ng pangulo na pinag-aaralan ng gobyerno ang pag-amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para matiyak na ito ay makapagbibigay ng mas magandang serbisyo sa publiko.
Ulat ni Bea Tanierla
