Inihayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa panayam sa kanya ng DZMM Teleradyo ngayong Huwebes, Setyembre 11, na wala umanong kakuwenta-kuwenta ang dahilan kung bakit nila inilipat ng kulungan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District assistant engineer Brice Hernandez.
“(Tanong ko sa kanila) ayaw niyo ba sa PNP Custodial Center? ‘Oo’ sabing ganu’n. Walang kakuwenta-kuwenta ‘yung dahilan. Sabi ba naman ‘Oo kasi malapit sa House eh,’” saad ni Sotto.
Aniya, ayaw umano ng ilang senador na manatili si Hernandez, na pinatawan ng contempt ng Senate Blue Ribbon Committee, sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City dahil mas malapit umano ito sa House of Representatives.
Dahil dito, inirekomenda ni Sotto na ilipat na lang si Hernandez sa Pasay City Jail na sinang-ayunan naman ng mga senador.
“Du’n ko pinadala agad. May reklamo pa ba sila? Kapag nagreklamo pa sila eh, iba na ang dahilan, ‘di ba?” saad ni Sotto.
Ulat ni Ansherina Baes
