Binatikos ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon, na siya ring chairman ng House Infrastructure Committee, ang kontrobersiyal na government contractor na si Curlee Discaya matapos tumanggi itong isiwalat ang iba pang opisyal ng gobyerno na sangkot diumano sa multi-bilyong pisong anomalya sa flood control project nang humarap siya sa pagdinig ng Kamara noong Martes, Setyembre 9.
“Makikita talaga na ‘super sinungaling’ ‘yang si Curlee Discaya. ‘Yang binasa niyang affidavit d’yan sa Senado…talagang wala nang maniniwala sa kanya,” pahayag Ridon.
“Nagulat nga kami kasi, unang-una sinabi n’ya na gusto niyang magsalita. Nagulat na lang kami kasi bigla siyang umatras,” pahayag ni Ridon sa panayam sa programang “Damdaming Bayan” ni Deo Macalma sa DZRH noong Miyerkules, Setyembre 10.
Ito ay matapos humiling si Discaya, may-ari ng Alpha & Omega Construction na isa sa 15 kumpanyang iniimbestigahan sa flood control project scam, ng pagsasagawa ng executive session sa mga kongresista kung saan niya puwedeng pangalanan ang iba pang sangkot sa naturang katiwalian.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, 17 kongresista ang tinukoy ni Discaya na diumano’y nangomisyon mula sa maanomalyang flood control systems sa iba’t ibang lugar.
“Kahit na ‘yung mga pangalang binanggit na n’ya, iisipin mo – totoo ba ‘yan,” ani Ridon.
“Talaga naman po…puro kongresista ang kanyang binanggit du’n sa kanyang affidavit. Hindi lang naman ang mga kongresista ang sinasabing ‘protektor,’ may mga senador din,” dagdag pa niya.
