May ugnayan umano sina Senators Joel Villanueva, Christopher “Bong” Go, at Senate President Francis “Chiz” Escudero sa ilang kontratista na may hawak na mga government projects, ayon sa ulat ng PCIJ.
Batay sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong Agosto 31, nakalista ang pangalan nina Escudero, Villanueva at Go sa mga mambabatas na may ugnayan umano sa mga government contractors.
Ito ay dahil sa campaign donation na natanggap diumano nina Escudero at Villanueva noong 2022 elections, habang ang CLTG Builders at Alfrego Builders ay mga negosyo ng pamilya ni Go.
Matatandaan na mismong si Escudero ang umamin kamakailan na nakatanggap umano siya ng P30 milyong halaga ng donasyon mula sa pangulo ng Centerways Construction and Development Inc. na si Lawrence Lubiano, noong kumakandidato siya sa 2022 elections.
Kinumpirma rin ni Lubiano sa ginanap na pagdinig ng House Infrastructure Committee na nagbigay siya ng naturang donasyon ngunit nilinaw na hindi umano ito galing sa pera ng kanyang kumpanya, “Hindi po galing sa company ‘yun. Galing po ‘yun sa akin as a personal individual.”
Samantala, nakatanggap din ng campaign donation na P20 milyon si Villanueva nang kumakandidato siya sa pagkasenador noong 2022 elections, na galing naman sa New San Jose Builders Inc.
Ayon kay Villanueva, wala umanong kontrata sa gobyerno ang New San Jose Builders nang mag-donate ito sa kanya ngunit ayon sa ulat ng PCIJ, may kontrata ang naturang construction firm sa gobyerno sa naturang panahon.
Naiuugnay naman si Go sa CLTG Builders at Alfrego Builders dahil pagmamay-ari umano ng kanyang ama ang una habang sa kanyang half-brother ang huli, ngunit iginiit ng senador na wala umano siyang kinalaman sa mga operasyon ng negosyo ng kanyang pamilya.
Ulat ni Jilliane Libunao
