Sinampahan sa Office of the Ombudsman ng reklamong katiwalian at iba pang paglabag si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa at anim na iba pang opisyal ng kagawaran dahil sa diumano’y unauthorized release ng P44.6 milyong halaga ng psychiatric drugs sa Rotary Club sa Quezon City.
Bukod kay Herbosa, kabilang din sa inireklamo sa Ombudsman ng mga kawani ng DOH kasama ang ibang health advocates noong Huwebes, Hulyo 31, ay sina DOH Medical Officer IV Carmelita Granada, Timotel Jemma Rabe, Tasneem Amping, Erwin Odpoga, Ramon Guiang, at Engr. Dave Masiado, director for Supply Chain Management.
Kabilang sa mga reklamong inihain laban sa pito ang grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service; at paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act, at Republic Act 10918 o Pharmacy Law.
Ayon sa mga complainant, inatasan ni Herbosa ang Rotary Club na mag-request at mamahagi ng iba’t ibang psychiatric medications para sa isasagawang medical mission sa kabila na ang naturang grupo ay hindi awtorisado bilang isang health facility.
Anila, ang naturang Rotary Club ay kulang sa ligtas na drug distribution system na sertipikado ng DOH at hindi rin ito saklaw ng ano mang Center for Health Development o kahit ng isang DOH-authorized hospital.
Sa kabila ng pagkuwestiyon sa legalidad ng pamamahagi ng medications, ipinamahagi pa rin diumano ang mahigit isang milyong psychiatric drugs ng Rotary Club.
Sinabi rin ng complainants na mayroon lamang 29,150 units ng psychiatric drugs na available sa mga public hospitals sa iba’t ibang lugar sa bansa.
