Naniniwala si Senador Lito Lapid na dapat pa ring sagutin ni Vice President Sara Duterte ang impeachment complaint na inihain laban sa kanya.

“Ang pag-archive ng senado sa impeachment case ni VP Duterte ay hindi nangangahulugan na meron o wala siyang kasalanan. Mas mabuti pa ring mapakinggan at maipaliwanag n’ya ang kanyang panig sa mga paratang ng House of Representatives,” pahayag ni Lapid.

Ito ay kahit na bumoto si Lapid na i-archive ang Articles of Impeachment laban kay VP Sara noong Miyerkules, Agosto 6.

“Oo, ang ating boto sa pag-archive ng impeachment complaint laban kay Vice-President Sara Duterte [ay] dahil sinusunod at ginagalang po natin ang desisyon ng Korte Suprema,” paliwanag ni Lapid.

Pagtitiyak ni Lapid, sakali man na mapagbigyan ang motion for reconsideration na inihain ng Kamara de Representantes sa Korte Suprema, ang Senado ay nakahandang ipagpatuloy ang paglilitis laban kay VP Sara.

Sinabi pa ni Lapid na anumang debate sa pagpapatuloy ng paglilitis ay walang saysay sapagkat lalabagin ng Senado ang pasya ng Supreme Court.

Iginiit niya rin na wala umanong ibang maaaring umintindi sa 1987 Constitution kung hindi ang Supreme Court.

Ulat ni Chona Yu