Maraming netizen ang nabulaga nang biglang maglaho ang sizzling report ng politiko.com.ph tungkol sa diumano’y P254 na bilyong halaga ng budget insertion ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero kung saan nagdoble-doble ang paglalaan ng pondo sa mga road at flood control projects ng gobyerno.
“A summary of Escudero’s insertions obtained by Politko showed how Escudero funneled into questionable allocations, raising serious doubts about transparency, fund misuse, and back door political deals disguised as development items,” ayon sa artikulo ng politiko.com.ph.
Base sa ulat na inilabas nitong Lunes, Hulyo 21, 2025, sinabi rin ng politiko.com.ph na nakinabang diumano sa insertion ni Escudero ang mga kilalang political stronghold ng kanyang mga kaalyado sa politika tulad ng Bulacan, na kilalang balwarte ni Sen. Joel Villanueva, na nakatanggap ng P12.08 bilyon.
Sinabi rin sa ulat ng politiko.com.ph na ang ikalawang may pinakamataas na pinaglaanan ng pondo ay ang lalawigan ng Sorsogon na mayroong P9.1 bilyon.
Ang iba pang lalawigan na naambunan ng budget insertion ay ang mga sumusunod:
- Mindoro, P8.37 bilyon
- Batangas, P7.32 bilyon
- Davao, P2.2 bilyon
- Misamis Occidental, P6.5 bilyon
- Quezon, P5.9 na bilyon
- Cavite, P5.6 na bilyon
- Valenzuela City, P4.251 bilyon
- Cebu City, P4 na bilyon.
Samantala, nangunguna ang flood control projects sa insertions na mayroong P45.19 na bilyon para sa pagpapatayo ng mga istraktura sa flood-prone areas.
Sa General Nakar, Quezon, kasado na diumano ang P150 milyon sa bawat isang flood control project sa Agos River, o may kabuuang P750 milyon para sa lahat ng imprastrakturang itatayo.
Bukod dito, patok din sa ulat ng politiko.com.ph ang diumano’y mga overlapping road projects sa Bulacan na itinuturing na “near identical” o halos magkakapareho.
“The Sta. Rita-Biak na Bato Road in San Miguel, Bulacan was listed multiple times, under names such as Segment A, Segment B, Segment C, and Packages A through E. Each of these entries had a uniform cost of P100 million allocations. That’s P400 million for the same route,” ayon sa ulat ng Politiko.
Wala namang inisyung paliwanag ang politiko.com.ph sa biglang pagbura ng naturang article sa social media.
