Sinabi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. ngayong Martes, Hulyo 15, na dapat mag-reconvene ang House Quad Committee upang imbestigahan ang kaugnayan ng mga suspek sa missing sabungero case at naganap na summary ex&cutions noong ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Sapagkat may koneksiyon talaga ‘yan sa ‘war on drugs,’ dapat tutukan na ng Quad Comm ‘yang senaryong ito,” giit ni Abante.

Ito ay matapos ibunyag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na may nakikitang koneksiyon ang mga imbestigador sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa mga p@tayan noong ‘drug war,’ lalo na sa mga personalidad na nababanggit sa dalawang kontrobersiya.

Sinabi pa ni Abante na siya ang nagsimula ng imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero dahil sa distrito nila sa Sta. Ana, Maynila unang naganap ang pagdukot sa walong cockfight enthusiasts.

“’Yung ngayong whistleblower (Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy”) du’n sila nagsimula. Siya ang head ng security ng Manila Arena,” ani Abante.