Pinabulaanan ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ngayong Lunes, Hulyo 7, na may kinalaman siya sa tangkang pagpapatalsik sa Net25 reporter na si Eden Santos mula sa Malacañang beat.

“Kung ikinakabit nila sa akin ito…sorry, you’re wrong! Fake news!” sabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro.

“Hindi po ako ang nagpapasya n’yan. Hindi rin naman po ako ang secretary. Hindi rin ako ang may hawak sa MARO. Tayo ay press officer lang,” paliwanag ni Castro sa media interview.

Sa kabila nito, sinabi ni Castro na ang tangkang pagbabawal kay Santos na mag-cover sa araw-araw na aktibidad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang ay base sa isang video footage kung saan makikita diumano na nilabag ng reporter ang “protocol” na itinakda ng Presidential Communications Office (PCO) para sa media.

Aniya, sa kabila ng insidente ay walang isyu na namamagitan sa kanila ni Santos.

“Nakita n’yo naman kung paano ako sumagot, kung paano ko siya i-entertain. It’s not about me. It’s not about her…nakita n’yo naman sa video,” giit ni Castro.

Ito ay matapos magpadala ng liham si PCO Assistant Secretary Erel Cabatbat sa Net25 upang hilingin na ilipat ng assignment si Santos dahil sa “protocol breach” nito nang biglang lapitan upang makapanayam si Pangulong Marcos sa isang okasyon sa Tarlac kamakailan.