Ibinunyag ngayong Biyernes, Hulyo 4, ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na inilagay na sa “restrictive duty” ang 15 pulis na isinangkot sa misteryosong pagkawala ng 34 na sabungero kung saan idinawit din ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at celebrity na si Gretchen Barretto.

“They have to report already to (their) offices para doon lang sila…para hindi na sila makasakit,” sabi ni Remulla.

Ito ay matapos ibulgar ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy,” na isang police colonel na nakabase sa Camp Crame, Quezon City at iba pang tauhan nito ang “sumundo” sa mga sabungero na diumano’y nandaraya sa mga cockfight events at dinala sa Taal, Batangas bago sila tuluyang iniligpit.

Ang pagliligpit sa mga sabungero, ayon pa kay Totoy na isang security sa cockpit arena, ay may basbas ni Ang.

“’Kilalang-kilala ko ‘yung mga pulis gawa nandoon din ako noong time nan ire-receive nila ‘yung tao (sabungero). Alam ko na sila ‘yun,” sabi ni Totoy sa panayam ni Ted Failon sa Radyo5.

Aniya, ang mga pulis na sumundo sa mga sabungero bago sila tuluyang pin@tay at inilubog sa Taal Lake pa mismo ang nagpapadala sa kanya ng video na nagpapakita kung paano iniligpit ang mga biktima.