Hindi makarararanas ng kakapusan sa bigas ang bansa sa gitna ng matinding pananalasa ng mga nagdaang bagyo, ayon sa Department of Agriculture (DA), ani DA Undersecretary Leocadio Sebastian.
Taliwas ito sa naunang nabanggit ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla na tatagal na lamang ng 39 araw ang nakaimbak na bigas sa mga bodega ng National Food Authority (NFA).
Hindi rin, aniya, mauubusan ng supply ng bigas ang bansa sa susunod na ilang buwan at sa halip, madaragdagan pa ito dahil nalalapit na ang harvest season ngayong Agosto at Setyembre.
Ani Sebastian, mayroong 5.7 metrikong tonelada ng palay ang naani noong tag-araw at may karagdagan pang 1.9 MT na imported rice ang nakaimbak sa mga warehouse ng NFA.
Batay kasi sa mandato ng gobyerno, dapat palaging may buffer stock ng bigas ang NFA na tatagal ng 60 araw para sa oras ng kagipitan.
Samantala, sinabi naman ni Federation of Free Farmers (FFF) National Manager Raul Montemayor na “mapanlinlang” ang naging pahayag ni Sebastian, dahil ang nakaimbak na bigas ay aabot lamang sa buwan ng Setyembre habang ang anihan ay mangyayari pa sa Oktubre.
Ani Montemayor, kung makokonsumo ang lahat na nakaimbak na bigas, dapat na pumasok ang mga imported rice bagamat mataas ang presyo nito nang bilhin sa international market.
Naunang sinabi Sombilla, na nakatakdang mag-angkat ang bansa ng 1.3 milyong metriko toneladang bigas ang Pilipinas para umentuhan ang imbak ng bansa.