Ibinunyag ng beteranong journalist na si Arnold Clavio na nakita ng House prosecution panel ang dalawang pangalan sa resibo ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte na diumano’y kapangalan ng aktres na si Marian Rivera at Akbayan Representative-elect Chel Diokno.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House prosecution panel sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte, mayroon umanong natagpuang acknowledgement receipts kung saan ang nakalagda ay kapangalan ng aktres na si Marian Rivera at Akbayan Representative-elect Chel Diokno.
Nakalkal umano ito sa mga resibo ng Department of Education (DepEd), kung saan dating naging kalihim ang Vice President, na isinumite sa Commission on Audit (COA), ayon kay Clavio.
Makikita umano sa resibo na taga-San Fernando, Pampanga ang kapangalan ni Marian na tumanggap ng P100,000 habang ang kapangalan naman ni Diokno ay tumanggap ng P120,000 confidential funds.
Nilinaw naman ni Clavio na, ayon sa kanyang source, ay ginamit lamang ang pangalan ng aktres na kasalukuyang nakatira sa Makati City kasama ang kanyang asawa na si Dingdong Dantes at kanilang anak.
Ulat ni Ansherina Baes