Pinagbigyan ng Pre-Trial Chamber 1 ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng prosekusyon na palawigin ang deadline para sa pagsusumite ng iba’t ibang dokumento kaugnay ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa desisyong inilabas noong Mayo 20, 2025, itinakda ng tatlong hukom ng Pre-Trial Chamber 1 ang bagong mga petsa para sa pagsusumite ng sumusunod:

Hunyo 16, 2025 — Deadline para sa prosekusyon na magsumite ng mga aplikasyon para sa masking of identity ng mga testigo o hindi pagbubunyag ng ilang ebidensiya.

Kasama rin dito ang pagsusumite ng opinyon ng Victims and Witnesses Unit hinggil sa mga aplikasyon.

Hunyo 20, 2025 — Deadline para sa pagsusumite ng anumang tugon kaugnay ng mga nabanggit na aplikasyon.

Hulyo 1, 2025 — Deadline ng prosekusyon para tapusin ang pagbubunyag ng mga dokumentong may kaugnayan sa mga testigong binanggit sa kanilang aplikasyon para sa warrant of arrest.

Noong Marso 21 ang orihinal na deadline para isapubliko ang mga ebidensiyang nakapaloob sa warrant of arrest, ngunit inilipat ito sa Mayo 9.

Noong Mayo 9, nagsumite ng bagong batch ng ebidensiya ang prosekusyon para sa panig ni Duterte, ngunit humiling din ng panibagong palugit para sa natitirang dokumento.

Ayon sa Pre-Trial Chamber 1, walang pagtutol mula sa kampo ng depensa ni Duterte.

“The Chamber considers that good cause is shown, within the meaning of regulation 35 of the Regulations, to grant an extension of the relevant time limits,” saad nito.

Itinakda ang confirmation of charges hearing ni Duterte sa ICC sa Setyembre 23, 2025.

Si Digong kasalukuyang nakapiit sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands, at nakatakdang litisin sa kasong crimes against humanity.

Ulat ni Julian Katrina Bartolome

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *