Handa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad ang No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing kalsadang nasasakupan nito sa Metro Manila simula sa Lunes, Mayo 26.
Ito ang kinumpirma ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa panayam ng media ngayong Miyerkules, Mayo 21.
Ito ay matapos bawiin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na inisyu nito laban sa NCAP noong Agosto 30, 2022.
Ang pagbawi ng TRO ay base sa petisyon na inihain ng MMDA, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG), dahil sa nakaambang pagsasagawa ng rehabilitasyon ng EDSA sa Hunyo 13 na pinangangambahang magdudulot ng pagbibigat ng trapik.
Naniniwala ang ahensiya na malaki ang maitutulong ng mga CCTV camera sa pagtukoy at pagmultahin ang mga pasaway na motorista at upang maiwasan ang aksidente sa gitna ng inaasahang heavy traffic dulot ng EDSA repair na tatagal ng mahabang panahon.
Subalit nilinaw ng MMDA na ipatutupad lamang ang NCAP sa mga lugar na nasasakupan nito, partikular sa buong kahabaan ng EDSA at C5 Road.