Pinangunahan ng Land Transportation Office (LTO) ngayong Lunes, Mayo 19, ang pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad upang palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa kaligtasan sa lansangan kasabay ng paggunita ng Road Safety Month.

Sa Metro Manila, nagsagawa ng motorcade ang iba’t ibang civilian volunteer groups kasama ang LTO employees para sa pagdaraos ng Road Safety Month kung saan nagtapos ang caravan sa punong tanggapan ng ahensiya sa East Avenue, Quezon City kaninang umaga.

Kabilang ang mga motorcycle groups tulad ng Breakfast Ride Community at Law Enforcement Riders Association of the Philippines (LERAP) sa nakibahagi sa caravan na nag-ikot sa ilang lugar sa Quezon City.

Nagsagawa rin ng libreng road safety seminar para sa mga driver at riders sa LTO Central Office base sa direktiba ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza II. Ito ay kasabay ng Road Safety Fair Booth Presentation na gaganapin hanggang Mayo 23.

Samantala, sa tanggapan ng LTO Regional Office IX (Zamboanga Peninsula), lumagda ang mga empleyado ng ahensiya at ibang personalidad sa “Come to Life, Road Safety Pledge” bilang simbolo ng kanilang determinasyon na itaguyod ang ligtas na pagbiyahe sa mga kalsada. (Photo courtesy of LTO Region IX)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *