Pagbangon ng bansa at hindi mapanirang pamumulitika ang prayoridad ng Kongreso.

Ito ang mariing pahayag ni Rep. Luis Raymund “Lray” Villafuerte (2D Camarines Sur) sa gitna ng mga pasaring kay House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Villafuerte, mahusay na pamumuno, matibay na samahan, sipag at serbisyo ang nagbuklod sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso upang mabilis na maipasa ang mga panukalang naglalayong pagbutihin ang kalagayan ng bawat Pilipino.

“Ang parating bilin ni Speaker Martin, tutukan ang trabaho at serbisyo para sa mga Pilipino. Kaya lahat kami ay masigasig na tumutulong sa pagpasa ng mga makabuluhang batas,” dagdag ni Villafuerte.

Aniya, trabaho lang at walang halong pamumulitika ang pamumuno ni Speaker Martin kaya’t matagumpay na naipasa ang 33 sa 42 priority bills ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa unang taon pa lamang ng 19th Congress. “Sa aking pagkakaalam, ngayon lang ito nangyari sa buong kasaysayan ng Kongreso,” dagdag niya.

Ang sipag at pokus din umano ang nasa likod nang biglang pagtaas ng trust rating ni Speaker Martin ng 15 points sa 59 percent ayon sa survey firm na OCTA Research. Mas mataas ito sa 50-52% trust rating ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

ByRAD