Inaasahang aabot sa 68.43 milyong rehistradong Pinoy ang inaasahang boboto sa kanilang mga napupusuang kandidato para sa mahigit 18,000 national at local positions sa nalalapit na May 12 midterm elections, batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa Comelec, kabilang sa mga posisyong pagdedesisyunan ng publiko ay 12 senators, miyembro ng House of Representatives, kabilang ang mga kinatawan ng party-list at mga opisyal ng lokal na pamahalaan gaya ng governors, vice governors, mayors, vice mayors, at councilors.
Samantala, narito ang apat na hakbang na dapat tandaan sa pagboto:
- HANAPIN ANG IYONG PRESINTO AT PUMILA NANG MAAYOS
Pagdating sa voting center, hanapin ang listahan ng mga botante upang malaman ang iyong clustered precinct at pumila nang maayos.
- LUMAPIT SA ELECTORAL BOARD AT TANGGAPIN ANG BALOTA
Ibigay ang iyong valid ID sa electoral board upang matiyak ang iyong pagkakakilanlan sa Election Day Computerized Voters List (EDCVL). Matapos ito, ipagkakaloob sa iyo ang balota, secrecy folder, at marking pen.
- BUMOTO SA LOOB NG VOTING AREA
Basahin ang balota at itiman ang bilog sa tabi ng pangalan ng kandidatong nais mong iboto at iwasang markahan ang ibang parte ng balota upang hindi ito maging invalid.
- IPASOK ANG BALOTA SA ACM AT MAGPATATAK NG INDELIBLE INK
Ipasok ang iyong balota sa Automated Counting Machine (ACM) at hintayin ang kumpirmasyon sa screen. Pagkatapos ay bumalik sa electoral board para magpatatak ng indelible ink sa daliri bilang patunay na ikaw ay tapos nang bumoto.
Ulat ni Britny Cezar