Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagkakaugnay ng naganap na kidnapping at murder ng negosyanteng si Anson Que at mga nabuking na espionage activities dito sa bansa na diumano’y isinagawa ng grupo ni Mark Ong, na kilala rin sa Chinese name na “Li Duan Wang.”
“Binanggit na rin ng AMLC na ito ‘yung e-wallet. So, tinitingnan namin ‘yung correlation ng lahat bakit ito nagamit sa espionage, nagamit ‘yung e-wallet n’ya sa kidnapping na ‘to,” sabi ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil.
Sa ginanap na press conference sa Kampo Krame nitong Lunes, Mayo 5, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na natunugan ng mga imbestigador sa Que kidnap-slay case na ang 9 Dynasty at White Horse Club junket companies ang tumanggap ng ransom money na ibinayad ng anak ng biktima sa mga kidnappers sa pamamagitan ng e-wallet.
Subalit sinabi naman ni Marbil na ang e-wallet na tumanggap sa ransom payment kay Que ay siya ring ginamit sa paglilipat ng pondo para sa espionage operations ng Chinese spies dito sa bansa.
“Ayaw ko sanang ilabas pa eh. Since sinabi na ng AMLC (Anti-Money Laundering Council) natin ginamit kasi ‘yung e-wallet na nahuli natin sa espionage ‘yung dito sa kidnapping,” dagdag ng PNP chief.
Ipinaliwanag ng mga PNP investigators na gumagamit ang mga sindikato ng e-wallet upang mai-convert ang mga perang nalikom sa criminal operations sa crypto currency upang hindi ma-trace ng AMLC kung sinu-sino ang may-ari nito.