Tumaas na sa P10 milyon ang alok na pabuya ng Philippine National Police (PNP) sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Wenli Gong, na gumagamit ng mga alyas na “Huang Yanling” at “Kelly Tan Lim,” na itinuturong utak sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabillo.
Inanunsiyo ni PNP Regional Office 3 Director at concurrent PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na nadagdagan ng P5 milyon ang pabuya sa impormante na makapagtuturo sa pinagtataguan ni Wenli Gong, na inakusahang “mastermind” sa kidnapping at murder nina Que at Pabillo.
Matatandaan na unang nag-alok ang mga awtoridad ng P5 million cash reward para sa pagkakaresolba ng kidnap-slay case nina Que at Pabillo.
Sinabi ni Fajardo na itinuro ni David Tan Liao si Kelly na siyang nagkumbinse kay Que upang sumama ito sa kanilang grupo bago ito naiulat na nawawala ng kanyang pamilya.
Si Gong din diumano ang nag-ayos ng paglilipat ng ransom money mula sa e-wallet bago nai-convert ang halaga sa cryptocurrency.
Ayon sa PNP, si Kelly ay unang naaresto noong 2024 kaugnay sa kidnapping ni Xiao Yung Qu, isa ring Chinese, noong Setyembre 2022 sa Balibago, Angeles City.
Subalit ito ay nakalaya matapos payagan ng korte na maglagak ng P300,000 piyansa.