Inihayag ni Sen. Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa ginanap na press conference ngayong Martes, Abril 29, na “klarong may motibong politikal” ang nangyaring pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC ay klarong may motibong politikal. May malinaw na pattern na kung saan may malalaking kaganapang pampolitika bago ang mahahalagang pahayag at aksyon ng administrasyon kaugnay sa ICC,” saad ni Marcos.
Aniya, may “pattern” umano kung saan may mga malalaking kaganapan na mangyayari bago ang mga pahayag at aksyon ng administrasyon kaugnay sa ICC.
Matatandaan na unang sinabi ni Pangulong Marcos na bukas ang Pilipinas para sa mga miyembro ng ICC at sinabing kikilos lamang ang pamahalaan kung may ilegal na gagawin ang mga ito.
Subalit matapos dumalo ni dating Pangulong Duterte sa ginanap na House Quad Committee hearing ay tila nagbago umano ang panig ng pamahalaan at sinabing maaaring makipagtulungan ang lokal na mga awtoridad sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung hihingin nila ito.
Idinagdag pa ni Sen. Imee na “bumalikwas” umano ang administrasyon sa pamamagitan ng pagbuo ng “Oplan Tugis” o “Operation Pursuit” laban sa dating pangulo matapos ang “napakalaking peace rally ng INC” noong Enero.
“Maliwanag (na) ang pag-aresto kay dating pangulo ay bahagi ng malawakang pagsisikap ng gobyerno na pabagsakin ang mga Duterte bago mag-2028 elections,” aniya.
Ulat ni Ansherina Baes