Ipinatupad ng Commission on Elections (Comelec) ang “ayuda ban” na nagbabawal sa pamimigay ng ayuda mula Mayo 2 hanggang sa araw ng halalan sa Mayo 12, 2025.
“Hindi na ‘yan exempted… Bawal na itong ipamahagi, maliban na lang sa medical and burial assistance… ‘Yan lang ang exempted sa May 2 to 12,” pahayag ni Comelec Chairman George Garcia.
Iginiit ni Garcia noong Sabado, Abril 27, na ipinagbabawal ang anumang distribusyon ng ayuda sa loob ng sampung araw bago ang halalan.
Isinama ni Garcia sa pagbabawal ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Nagbabala rin ang Comelec na ang sinumang lalabag at mamimigay ng ayuda sa itinakdang panahon ay mahaharap sa kaso at maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon, batay sa Omnibus Election Code.
Samantala, binigyan ng Comelec ng exemption ang programa ng Department of Agriculture (DA) na nag-aalok ng bigas sa halagang P20 kada kilo.