Inanunsiyo ni Mayor Raymond Alvin Garcia ng Cebu City na magpapatuloy ang underground cabling project sa loob ng heritage district sa siyudad kung saan paiigtingin ang pag-iingat sa mga potential historical artifact na maaaring masira.

Ginawa ang desisyon sa pagsusulong ng underground cabling project kasunod ng mga inihain na pag-aalala ng City Cultural and Historical Affairs Commission (CHAC) kaugnay sa panganib na masira umano ang archaeological sites habang isinasagawa ang excavation sa lugar.

Nanawagan ang CHAC sa pansamantalang pagtigil ng proyekto, maliban kung may kasamang archaeologist habang naghuhukay.

Nagbabala rin ang Museums and Heritage consultant at commissioner ng CHAC na si Jose Eleazar Bersales sa mataas na posibilidad na mahukay ang mga mahahalagang artifact na posibleng nagmula pa noong panahon ni Rajah Humabon.

Kinumpirma naman ni Garcia na kukuha sila ng archaeologist na makakasama nila sa proseso ng paghuhukay upang maiwasan ang pagkasira sa anumang artifact.

“We are very careful about it. Considering it’s a heritage area, we might find artifacts underground,” saad ni Garcia.

Sa unang bahagi ng naturang proyekto, huhukayin ang nasa 38 open pits na may sukat na 1.1 by 1.5 metro, at may lalim na 1.28 metro.

Ulat ni Jilliane Libunao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *