Inanunsiyo ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PIO) chief Col. Randulf Tuaño ang pagkakasibak sa puwesto ni Col. Bayani Razalan bilang Iloilo Provincial Police Office director.
“Hindi lang dahil may insidente na ikaw ay puwedeng tanggalin. Ikaw ay tatanggalin kapag tiningnan sa assessment ng kanilang mga commander, ikaw ay hindi magiging patas sa pagpapatupad ng iyong tungkulin sa darating na eleksyon,” giit ni Tuaño.
Sa panayam ng media sa tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Biyernes, Abril 25, sinabi ni Tuaño na walang kinalaman ang isyu ng pagmimintina ng katahimikan at kaayusan sa Iloilo sa pagkakasibak kay Razalan at sa halip, pinangangambahan ng liderato ng PNP na hindi nito kayang gampanan ang kanyang election duties para sa May 12 polls.
“‘Yung sa Region 6, ‘yung ating provincial director, hindi dahil sa may insidente, siya ay tinanggal,” sabi ni Tuaño.
At nang humingi ng karagdagang detalye ang mga mamamahayag, paliwanag ng police officer: “Walang specifics na binanggit na ginawa. Pero ito ay base sa decision ng ating regional director na, sa tingin niya, hindi magagampanan ‘yung election-related duties nang hindi siya magiging apolitical.”