Kinuwestiyon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing ng Malacañang ngayong Huwebes, Abril 24, ang inihayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa pagsisimula ng pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas sa Visayas.

“Matagal na po nilang iniisyu na hindi kakayanin ng Pangulo ang aspirasyon na magkaroon ng bigas sa halagang P20 kada kilo. Ngayon po na unti-unting natutupad ang aspirasyon na ito ng Pangulo, bakit muli na naman silang nagsasalita, nagiging negatibo?” saad ni Castro.

“Binubudol na naman nila ‘yung mga tao sa P20 per kilo na bigas at magdududa ka dahil bakit Visayas lang? Hindi ba nagugutom ‘yung mga taga-Mindanao? Hindi ba nagugutom ‘yung mga taga-Luzon?” saad ni VP Sara.

Ayon naman kay Castro, unang nakipag-ugnayan ang Visayas sa inisyatibo ng pamahalaan na ibenta sa P20 kada kilo ang bigas kung kaya’t sinimulan ito ng Department of Agriculture (DA) sa naturang lugar.

Idinagdag pa niya na matagal na nila umanong iniisyu ang aspirasyon na ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kinuwestiyon kung bakit nagsasalita na naman umano sila ng negatibo tungkol dito ngayong unti-unti na itong natutupad.

“Uulit-ulitin po natin, ang gusto po ng Pangulong Marcos ay ma-deliver sa taumbayan ang bigas sa murang halaga. Noon pa po ito, pero ngayon po’y nagsusumikap ang ating pamahalaan, ang ating Pangulo, na matupad ang aspirasyon na ito,” ani Castro.

Ulat ni Ansherina Baes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *