Namahagi ang Department of Migrant Workers (DMW) ng tig-P20,000 sa pitong Pinoy teachers na nag-‘balik-bayan’ mula sa ibang bansa upang ipagpatuloy ang kanilang teaching career sa Pilipinas.
“It’s not only that our school system needs you, pati na rin ang mga estudyante at syempre gusto nating ipamalas sa ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na likas sa inyo ang kumalinga at magturo sa mga bata. Kahit saan tumingin, bayani kayo bilang guro, bilang OFW,“ sabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang pamamahagi ngayong Miyerkules, Abril 16, sa pamamagitan ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO) at DMW-National Capital Region (NCR) sa bawat guro ay kaugnay sa “Sa ‘Pinas Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS) program.
Pinangunahan ni Cacdac ang pamamahagi ng tulong bilang pagkilala sa dedikasyon, determinasyon at galing ng mga Pinoy na guro dahilan upang sila ay ituring na “valuable assets” sa edukasyon hindi lamang dito sa Pilipinas ngunit maging sa ibang bansa.
Isa sa mga benepisyaryo ay ang OFW teacher na si Hilga Contrevida na nagturo ng English language sa China ng mahigit 10 taon.
“Ang benepisyo nitong programa na ito ay nakatulong sa pagtuturo ko, lalo’t na-enriched ako. Sa mga teachers po na gustong bumalik dito, huwag po kayong matakot na magtanong sa DMW-NRCO, kung gusto niyo na pong bumalik sa Pilipinas. Ako po ay nagpapasalamat sa pamunuan, sa atin pong Presidente sa bawat taong inyong binabalik sa Pilipinas. Ito po ay pag-save sa lives ng mga OFWs. Thank you very much po,” giit ni Hilga.