Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos ngayong Huwebes, Abril 10, nagpahayag ng paniniwala si Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na magiging paikot-ikot lamang ang talakayan nila tungkol sa legalidad ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Marso 11.
“Dito ho kasi, hindi tayo matatapos sa pag-uusap tungkol dito sapagkat ang talagang magsasabi sa atin nang tama ay ang Korte Suprema,” inihayag ni Remulla.
“Kaya nga ayaw nating sabihin, pero ito po talaga ay pinag-uusapan dito po sa mga petisyon na ifinile ng pamilya ni former President Duterte sa Korte Suprema,” paliwanag ng kalihim.
Ang pahayag ni Remulla ay bilang tugon sa paulit-ulit na tanong ni Sen. Imee tungkol sa legalidad ng arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court (ICC) na dahilan upang damputin si Digong Duterte ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at International Criminal Police Organization (Interpol) upang isalang sa paglilitis sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity.
Muling nagpakita si Remulla at iba pang matataas na opisyal ng administrasyong Marcos sa pagdinig ng Senate panel ilang linggo matapos tumanggi ang Malacañang na muli silang humarap sa imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan.