Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na iwasan ang pagpapatugtog ng kanilang mga campaign jingle sa kalsada tuwing madaling araw at hatinggabi.
“Kung alas tres ng madaling araw ay nangangampanya ka na ay Unang Hirit yata ang pinuntahan niyo. Ang ibig kong sabihin, ‘yung mga alas dose ng gabi mag-aala una tapos ang lalakas ng trompa o kaya mga alas tres pa lang nagsisimula na,” saad ni Garcia.
Sa isang panayam kay Comelec Chairman George Garcia nitong Huwebes, Abril 10, binanggit niya ang tungkol sa mga kandidatong may mga sasakyan na nagpapatugtog ng kanilang mga campaign jingle tuwing madaling araw at hatinggabi dahil ito ay paglabag umano sa mga patakaran.
Binigyang-diin ni Garcia na ang mga kandidato ay dapat magbigay-galang sa mga botanteng nais makapagpahinga at makatulog nang maayos.
“Pahinga rin naman ng mga mamamayan natin. May karapatan din namang matulog at may karapatan din na medyo magising ng late kaunti na hindi naman ganun kaaga,” sabi ni Garcia.
Ulat ni Britny Cezar