Hiniling ni Veronica “Kitty” Duterte, anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, sa Supreme Court ngayong Martes, Abril 8, na magsagawa ng oral argument sa pinag-isang petisyon para sa habeas corpus para sa kanyang ama na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands.
“Oral arguments would allow this Honorable Court to probe the jurisdictional limits of a writ of habeas corpus and the enforceability of its writ on respondents within this Honorable Court’s jurisdiction, even when their actions extend beyond our national borders,” sabi ni Duterte sa kanyang petisyon.
Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo, isinumite ng kampo ni Kitty ang kanyang mosyon sa Korte Suprema sa pamamagitan ng email kahapon at inaasahang iaabot nito ang dokumento ngayong Martes.
Nais linawin ni Kitty Duterte kung legal ba na tanggalan ng gobyernong Marcos ang Korte Suprema ng kapangyarihan na mag-isyu ng writ of habeas corpus nang payagan na mailipat ang kanyang ama sa kustodiya ng ibang bansa nang arestuhin ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at International Criminal Police Organization (Interpol) noong Marso 11, 2025.
Si Digong, 80-anyos, ay inaresto sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Hong Kong bago inilipat sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity.