Sa video mula sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Linggo, Abril 6, makikita kung paano sinundan at halos banggain ng isang China Coast Guard (CCG) vessel 3302 ang PCG vessel BRP Cabra sa layong 170 kilometers mula sa Zambales.
Patuloy umano na lumapit ang Chinese vessel sa BRP Cabra sa kabila ng radio challenges mula rito at nakalapit nang halos 16 meters.
Inihayag naman ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), matagumpay na nakaiwas ang PCG vessel mula sa Chinese vessel dahil sa “seamanship skills” ng coast guard sailors.
“Dahil sa seamanship skills ng ating mga coast guard sailors, we were able to prevent them from delivering another possible collision. You can just imagine how much it would impact dito sa ating mas maliit na coast guard vessel,” saad niya.
Binigyang-diin rin ni Tarriela na hindi ito ang unang beses na lumapit ang CCG sa PCG vessel.
Ulat ni Ansherina Baes