Nakabalik na sa Pilipinas si Vice President Sara Duterte nitong Linggo, Abril 6, matapos manatili sa The Netherlands nang mahigit tatlong linggo upang asikasuhin ang mga pangangailangan ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa International Criminal Court (ICC) detention facility.
“The Vice President is expected to address any pertinent matters in the coming days,” inihayag ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon naman sa inilabas na pahayag ng OVP, nakarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si VP Sara bandang alas-9:56 ng gabi kahapon.
Matatandaang inaresto si dating Pangulong Duterte mula sa naturang airport sa bisa ng arrest warrant mula sa ICC dahil sa crimes against humanity.
Samantala, kasalukuyang nahaharap sa impeachment trial si VP Sara matapos siyang ma-impeach sa Kamara de Representantes nitong Pebrero dahil sa ilang grounds kabilang ang umano’y pagwaldas ng P612.5 milyong confidential funds.
Ulat ni Ansherina Baes