Inihayag ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, ngayong Biyernes, Abril 4, na hindi nakapagtataka kung bakit maraming estudyante ang pabor na mapatalsik si Vice President Sara Duterte sa kanyang posisyon, lalo na kung ang pamumuno nito sa Department of Education (DepEd) ang pag-uusapan.
“Pakinggan natin ang pulso ng ating kabataan. Sila ang pinaka-apektado sa mga desisyon at pagkukulang ng isang lider na nagkulang sa kanyang tungkulin. Harapin na lamang niya (VP Sara) ang mga alegasyon laban sa kanya. Kung wala talaga siyang ginawang masama, bakit siya umiiwas?” ayon kay Khonghun.
Sinabi niya na hindi hinarap ni VP Sara ang mga malalaking isyu tulad ng mababang kalidad ng edukasyon, kakulangan sa mga kagamitan, at iba pang mga problema sa DepEd noong kanyang termino mula 2022 hanggang 2024.
Ipinunto rin ni Khonghun na ang kabiguan sa pamumuno ni Duterte ang nagbigay-daan sa dismayo ng mga kabataan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikinig sa mga kabataan, na mismong nakaranas ng mga kahirapan dulot ng mga pagkukulang sa pamumuno ni VP Duterte.