Pinag-iingat ng National Privacy Commission (NPC) ang mga magulang na huwag basta-basta i-post ang larawan ng kanilang anak sa social media sa pangambang mabiktima sila ng sindikato na nasa likod ng child exploitation.
“Huwag hayaang maging biktima ang inyong anak! Think before you post. Protektahan natin ang privacy at digital future nila,” sabi ng NPC.
Tinukoy ng NPC ang isang kumakalat na ‘pa-contest’ sa internet kung saan hinihikayat ang mga parents na mag-post ng larawan ng kanilang mga baby kapalit ng pera o premyo.
“Mukhang harmless pero delikado,” babala ng ahensiya.
Ayon pa sa NPC, maaaring magamit ng mga tiwaling indibidwal ang larawan sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
“Nagbibigay ito ng impormasyon na available sa publiko at maaring magamit ng masasamang loob,” giit ng NPC.