Nagbunyi ang mga South Koreans matapos suportahan ng SoKor Constitutional Court ang impeachment laban kay President Yoon Suk Yeol dahil sa pumalpak na deklarasyon nito ng martial law sa kanilang bansa na tumagal lamang ng ilang oras.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), inilabas ng Constitutional Court ang decision ngayong Biyernes, Abril 4, na pumapabor sa impeachment kay Yoon upang matuldukan ang kanyang pagiging pangulo na susundan ng pagtatakda ng halalan para sa susunod na lider ng bansa.
Inihayag ni Constitutional Court acting chief Moon Hyung-bae ang desisyon sa national television matapos katigan ng walong miyembro ng korte ang pagpapatalsik kay Yoon dahil ang kanyang pagdedeklara sa batas militar ay paglabag sa konstitusyon at iba pang batas.
“The defendant not only declared martial law, but also violated the constitution and laws by mobilizing military and police forces to obstruct the exercise of legislative authority,” sabi ni Moon.
“Ultimately, the declaration of martial law in this case violated the substantive requirements for emergency martial law,” dagdag niya.