Sa ikalawang hearing ng Senate Committee on Foreign Relations ngayong Huwebes, Abril 3, sinabi ni Sen. Imee Marcos na tila nalilito siya kung bakit isinama sa The Hague, Netherlands si dating executive secretary Salvador Medialdea kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kung inaresto niya si Medialdea sa local court bakit hindi niya dinala sa presinto o inarestong totoo? Bakit imbis na arestuhin at talagang ikulong, pinadala pa sa (The) Hague? Parang ang gulo… Nalilito kaya ako. Tama ba ‘yun?” tanong ni Sen. Imee.

Kinuwestiyon ng senador na bakit imbis na ipakulong sa piitan sa Pilipinas ay ipinasakay pa umano si Medialdea sa eroplano kasama ng dating pangulo.

Samantala, ibinunyag ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Maj. Gen. Nicolas Torre III nitong Marso 13 na boluntaryong sumama si Medialdea papunta sa The Hague matapos tumangging sumama ang common-law wife ni Duterte na si Honeylet Avanceña dahil wala umano siyang passport.

“Kaya nga na-delay nang na-delay iyon kasi nga nagpalit ng manifest. Nagpalit ng manifest dahil nakasulat sa manifest si Honeylet… So pili kami ng isang abogado. Nag-volunteer nga si (former) ES (Executive Secretary) Salvador Medialdea,” saad ni Torre.

Ulat ni Ansherina Baes

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *