Naglabas ng sertipikasyon ang House of Representatives bilang pruweba na walang pondo mula sa gobyerno na kinuha si Quezon City 1st Dist. Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde sa pagbiyahe nito ngayong buwan patungong Switzerland.

Pakay ni Arjo na dumalo sa international screening ng pelikulang “Topakk” na kalahok sa 2023 Locarno International Film Festival, bilang vice-chairpman ng Special Committee on Creative Industry and Performing Arts sa kanyang pagtungo sa Switzerland at iba pang lugar sa Europe, ayon sa ulat.

Sa dokumentong nakalap ng Pilipinas Today na may petsang Agosto 2, 2023, sinabi ng secretary general ng House of Representatives na si Reginald V. Velasco sariling pera ang ginamit ni Atayde para sa kanyang trip abroad.

Nauna nang naglabas ang Inquirer.net ng ulat na tila nagpapasaring na pondo ng gobyerno ang gagastusin nina Atayde sa biyahe nila patungong Europe.

Dahil dito, naglabas ng saloobin ang may-bahay ng kongresista, na si Maine Mendoza, hinggil sa isyu. Kinastigo ng aktres at TV host ang naturang media entity na ituwid ang artikulo na mula sa sariling bulsa nilang mag-asawa gasgastusin sa kanilang Europe trip.