Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipinong naiulat na nasaktan o naapektuhan ng malakas na magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand noong Biyernes, Marso 28.
Batay sa panayam kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega ngayong Sabado, Marso 29, ipinaabot niya ang pakikiramay ng Pilipinas sa Myanmar at Thailand matapos itong tamaan ng magnitude 7.7 na lindol kung saan maraming nasawi at nasugatan.
Ayon kay De Vega, mayroong tinatayang 600 Pilipino sa Myanmar, ngunit malayo sila sa epicenter ng lindol habang nasa 29,000 Pilipino ang nasa Thailand, kung saan mas mahina ang naramdamang pagyanig.
Samantala, nangako ang Embahada ng Pilipinas sa Myanmar na patuloy ang pagkalap ng “current and credible information on the status of all affected Filipinos” at pinag-aaralan ang posibilidad ng pagpapadala ng welfare team sa bansa.
Hinimok naman ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Thailand na manatiling kalmado at mapagmatyag, at kumuha ng impormasyon mula sa mga credible sources.
Ulat ni Britny Cezar