Nagkainitan sa Facebook nitong Miyerkules, Marso 26, si Pasig City Mayor Vico Sotto at kalaban nito sa puwesto na si Sarah Discaya, matapos umano’y akusahan ni Discaya ang Pasig Local Government Unit (LGU) na sinasabotahe umano ang kanilang kampanya.
“Kung magkukuwento na lang din kayo, ikuwento po ninyo nang buo. Dishonesty eh. Nasa MyDay o story ng page ko ang mga resibo,” saad ni Sotto.
Batay sa post ni Discaya, humiling ang kanyang team ng permit para sa kanilang campaign rally na gaganapin sa Plaza Rizal sa Biyernes, Marso 28, ngunit ang ibinigay umano na venue ng Pasig LGU ay sa Caruncho Avenue.
Ayon kay Discaya, makakaabala at magdudulot ng traffic congestion ang campaign rally kung sa Caruncho Ave. ito gaganapin, kaya napagpasyahan umano nila ng kanyang team na huwag na munang ituloy ang event.
Itinanggi naman ni Mayor Vico ang mga pahayag ni Discaya, at nag-iwan ng mensahe sa comment section para sa kalaban.
“Oh come on. Choice niyo pong lumipat sa Caruncho Ave. Kung biglaan o sapilitan ang inyong paglipat, bakit kayo may Application Letter para sa Caruncho Westbound? At nag-submit pa kayo ng proposed traffic plan?,” buwelta ng alkalde.
Ulat ni Bea Tanierla