Si dating pangulong Rodrigo Duterte ang kauna-unahang country leader sa Asya na isasalang sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC), ayon kay Fadi El Abdallah, tagapagsalita at head ng Public Affairs Unit ng international tribunal.
Nilinaw ni Abdallah na patas ang pagtrato nila sa lahat ng kaso, kahit saan pa mang kontinente o bansa nanggaling ang akusado—tulad ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na unang Asian leader na nilitis ng tribunal.
Marso 11 nang inaresto sa Pilipinas si Duterte ‘tsaka ibiniyahe patungong The Hague sa Netherlands at ngayon ay nakakulong at nililitis doon sa mga kaso ng crimes against humanity sa pamamaslang.
Iniimbestigahan ng ICC si Duterte sa serye ng mga pagpatay sa Davao City at sa buong bansa simula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, isang araw bago kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute.
Sa panayam ng GMA News kay Abdallah, nilinaw niyang nagiging court of last resort ng mga bansa ang ICC kapag ang mga lokal na korte ng mga ito ay tumatanggi o walang kakayahang tugunan o litisin ang isang partikular na kaso—sa panig ni Duterte, ang crimes against humanity.