Inihayag ni International Criminal Court (ICC) assistant to counsel Atty. Kristina Conti sa kanyang X (dating Twitter) post nitong Linggo, Marso 16, ang mensahe para sa mga umano’y umaatake sa ICC dahil sa nakatakdang paglilitis nito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinaalalahanan ni Conti ang mga supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging maingat sa mga binibitawang salita na umano’y pag-atake sa ICC dahil maaaring palakasin nito ang kasong crimes against humanity laban sa dating pangulo.

Inilatag niya ang mga dahilan kung bakit pinalalakas ng mga sumusuporta sa dating pangulo ang kaso laban kay Duterte, kabilang ang posibleng hawakan na lang umano ng ICC ang kaso sa halip na ipaubaya ito sa domestic judicial system sa kadahilanang “mas magiging patas, mapayapa, at mahinahon kung sa ibang bansa gagawin ang mga pagdinig.”

Sinabi niya rin na dahil sa ginagawang pag-atake umano sa ICC, maaaring hindi payagan ang interim release ni Duterte dahil “banta siya at ang mga supporter niya sa kaligtasan ng mga biktima at abogado na tumitindig laban sa kanya.”

“Sa lahat ng may say tungkol sa ICC, mungkahi ko ay pagnilayan nyo rin – Is it the truth? Is it fair to all concerned? Kanino makakabuti o papabor ito?,” dagdag pa ni Conti.

Ulat ni Jilliane Libunao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *