Sa ginanap na press briefing ng Malacañang ngayong Lunes, Marso 17, hinamon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na kung walang inisyung warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya ay dapat walang takot niyang sinamahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Hong Kong noong Marso 7 bago siya inaresto.
“Hindi po ba kung talagang alam niya na walang warrant of arrest issued by a competent authority, matapang po (niyang) sinamahan ang dating Pangulong Duterte, and as a matter of fact, dapat nga nauna pa siya kay Senator Robin pumunta sa Netherlands,” sabi ni Castro.
Idinagdag niya na kung alam niya na walang warrant of arrest laban sa kanya ay dapat mas nauna umano ang Senador kay Sen. Robindhood Padilla papunta sa The Hague, Netherlands kung saan kasalukuyang naka-detain ang dating Pangulo.
Nagbigay din si Castro ng reaksyon tungkol sa inihayag ng Senador na hindi umano galing sa isang “competent authority” ang warrant of arrest na ipinatupad ng ICC sa pamamagitan ng Interpol.
“Sabi ko nga po, ‘yan ay normal na manggagaling kay Senator Bato dahil isa siya sa maaaring ma-consider na co-perpetrator. May takot on his part. Maybe. I can’t answer for him,” aniya.
Ulat ni Ansherina Baes