Inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro sa ginanap na panel discussion nitong Huwebes, Marso 13, na hindi lamang dapat isang panig ang tinitingnan sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at kailangan isaalang-alang din ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa ‘war on drugs’ campaign ng dating Pangulo.
“Hindi lamang po dapat na titingnan ang isang side of the story; mayroon po tayong nakakalimutan, iyong kuwento po ng diumano’y mga biktima ng EJK. So, tingnan po natin pareho, huwag po tayong kumampi,” saad ni Castro.
Ipinaalala niya na bagamat may mga umiidolo sa dating pangulo, kailangan umanong mag-prevail ng hustisya para sa mga naging biktima ng EJK.
“Alam natin na mayroon po kayong iniidolo, mayroon po kayong hinahangaan, pero this time ay dapat po ay hustisya po ang mag-prevail — hustisya para sa diumano’y mga biktima at hustisya rin po kay dating Pangulong Duterte,” saad ni Castro.
Naaresto si dating Pangulong Duterte nitong Martes, Marso 11, ng International Criminal Police Organization (Interpol) at Philippine National Police (PNP) sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
Ulat ni Ansherina Baes