Sa hearing ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ngayong Huwebes, Marso 6, ibinahagi ng ilang magulang ang kanilang karanasan sa umano’y negligence ng mga resort at ospital sa pagtulong sa kanilang mga anak sa diskusyon ng Senate Bill No. 2971 o Child Tourist Safety Act (Sandy’s Act) na may akda ni Sen. Risa Hontiveros.
Ayon sa magulang ng anim na taong gulang na si Sandy, humingi sila ng tulong sa mga staff ng resort nang tamaan ng dikya ang kanilang anak ngunit wala silang maibigay dahil hindi umano nila alam kung paano magbigay ng first aid sa naturang sitwasyon.
Idineklarang dead on arrival due to severe anaphylactic shock si Sandy nang makarating sila sa ospital.
Ibinahagi naman ng isa pang magulang ng limang taong gulang na tinamaan ng dikya sa isang resort sa Subic na sa tagal nilang nanirahan sa nasabing lugar ay wala umano silang alam tungkol sa presensya ng nakamamatay na uri ng dikya na box jellyfish at dahil sa kakulangan ng awareness at safety protocols sa resort at sa ospital ay nasawi ang kaniyang anak.
Dahil sa kanilang naranasan ay mariin nilang sinuportahan ang panukalang batas ni Sen. Hontiveros upang hindi na mangyari sa ibang mga bata ang nangyari sa kanilang anak.
Ulat ni Ansherina Baes