Inihayag ni Sen. Cynthia Villar sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Marso 5, na wala umanong mali sa political dynasties kung ang mga ito ay tapat na naglilingkod sa taumbayan at kung ayaw ng iba sa political dynasty ay huwag nila itong iboto..
“If you don’t like (political) dynasty, then don’t vote for them, ‘di ba? So they do not force themselves— they campaign, they get elected. If ayaw ng tao, eh ‘di talo,” saad ni Sen. Cynthia.
Dinepensahan naman niya ang kaniyang anak na si Las Piñas Rep. Camille Villar at sinabing kailangan niyang manalo sa kaniyang sariling merito at ang maitutulong niya lamang dito ay ang tulong na ibibigay sa kaniya ng mga Pilipinong natulungan na ni Sen. Cynthia noon.
Nang tanungin naman siya tungkol sa tagline ng kaniyang anak na “Bagong Boses, Bagong Bukas” sinabi ni Sen. Cynthia na kailangan ang kanilang kakayahang tumulong ang maging “main consideration” ng mga botante.
Kinumpara din niya ito sa kaniyang isa pang anak na si Sen. Mark Villar na aniya’y bagamat hindi engineer ay naging maayos ang trabaho bilang dating secretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“I think he made good in the Department of Public Works and Highways. So hindi naman siya madaldal eh, pero matrabaho. I think my daughter will do a good job there—just give her a chance,” ani Sen. Cynthia.
Ulat ni Ansherina Baes