Sa panayam ng Teleradyo Serbisyo ngayong Huwebes, Pebrero 27, pinaalalahanan ng political analyst na si Prof. Ronald Llamas ang mga botante na huwag magpadala sa mga election survey na naglabasan na mistulang mga “kabute” ngayong panahon ng halalan.
“Itong kandidato na ito, sabi n’ya hindi n’ya alam ang trabaho ng senador. Tapos nakita natin nandun sa Top 12…baka magdalawang isip tayo sa kandidatong ito,” sabi ni Llamas.
Ayon kay Llamas, na dating political adviser ng yumaong Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, nagagamit ang mga election survey ng ilang kandidato bilang isang “mind-conditioning” upang mahikayat ang mga botante na suportahan siya bilang resulta ng “bandwagon effect” upang hindi masayang ang kanyang boto.
“Ang kultura natin, kung sinong mananalo, minsan nahahatak tayo parang magnet para siya ay umakyat sa survey,” paliwanag ni Llamas.
Aniya, nagagamit na kasangkapan ang election surveys ng mga tumatakbo sa iba’t ibang posisyon para madetermina nila ang kanilang istratehiya at taktika sa pangangampanya at mapalakas ang tyansa ng kanilang pagkapanalo.
“Para sa mga botante, hindi ganung kalaki ang benepisyo (mula sa surveys). Mas malaki yan para sa mga kandidato,” giit pa ni Llamas.