Naghain ng disqualification case si Vice Mayor Jay Manalo Ilagan ng Mataas na Kahoy, Batangas nitong Martes, Pebrero 25, laban sa grupong Construction Workers Solidarity (CWS) na pinangungunahan ni Rep. Edwin Gardiola na muling sumabak sa party-list election sa May 12 dahil sa umano’y paglabag sa election law.

“During the 90-day campaign period, bawal ang pamimigay, kahit magpakain, ang mga kandidato,” sabi ni Ilagan.

Sa kanyang petisyon na inihain sa Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Ilagan na namahagi diumano ang CWS ng tatlong sedan sa mga nanalo sa ‘palm challenge’ event na malinaw diumano na paglabag sa umiiral na election law.

Ginamit na ebidensiya ni Ilagan ang isang video ng “last to take hands off” challenge sa Barako fest sa Lipa City kung saan ang partido umano ang nag-sponsor ng sasakyan na ipinamahagi sa event winners.

Base sa Section 26 ng Comelec Resolution 11104, maituturing na vote buying ang pamimigay ng premyo, pagpapa-raffle, pagpapa-bingo o anumang palaro ng kandidato habang nasa kasagsagan ng 90-day campaign period.

Sinabi ni Comelec Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda Jr. na sa oras na inilagay ng isang kandidato ang kanyang pangalan sa mga tarpaulin, posters, at banners sa isang event kung saan namahagi ng prizes, ito ay maituturing na ‘vote buying.’

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *