Sa ginanap na press conference sa Malacañang nitong Martes, Pebrero 25, tinanong ng isang reporter si Malacañang Press Officer Atty. Claire Castro kung tanggap ba ng kanilang kampo na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-umpisa ng political mud slinging nang sabihin nito na ang ilang kumakandidato sa pagkasenador ay “pinabili lamang ng suka” subalit iniisip nila na kaya na nilang gampanan ang trabaho ng isang mambabatas.
“Kumbaga…bato-bato sa langit, tamaan ay huwag magalit. Bakit may nagalit?,” tanong ni Castro.
“It is just part of the campaign propaganda and wala naman tayong pinatutungkulan kung sino,” giit ni Castro.
Bagama’t walang pinangalanan si Marcos tungkol sa kanyang patutsada, agad namang nag-react ang mga kandidato ng PDP Laban na pinamumunuan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sinabing “ang suka ang kalaban ng pekeng ginto” na natuloy sa pagbansag nila sa kanilang grupo bilang “Team Suka” at si PBBM naman ay ang ‘pekeng ginto.’
“Ang nagtataka lang tayo kung bakit may umaaray,” sabi ni Castro.
Sinabi rin ng opisyal na hindi lahat ng patutsada ng kalaban nila sa pulitika ay papatulan ng kampo ni PBBM. “Ang sasagutin lang natin ay ‘yung mga intriga na may ‘sense,’” ani Castro.