Naglabas ng maikling mensahe ang partidong PDP Laban na pinamumunuan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa ika-39 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa yumaong diktador na si Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr.
“As Filipinos celebrate the 39th anniversary of the victorious people’s uprising at EDSA, let us continue to work together to ensure that Filipinos will have a better future, and this will only be possible by protecting the freedom of expression, sustaining the fight against corruption, and seeking accountability from all public officials,” ayon sa statement ni Duterte.
Kasabay ng selebrasyon, kung saan nakilala ang Pilipinas sa buong mundo sa naganap na “bloodless coup” noong Pebrero 1986, nanawagan ang mga opisyal at miyembro ng PDP laban sa mga Pinoy na magkaisa upang labanan ang korapsyon, pagpigil sa kalayaan sa pamamahayag, at pagpapairal ng accountability sa lahat ng public officials.
Ipinaabot ng partido ang mensahe habang nasa mata ng bagyo ang anak ni Digong Duterte na si Vice President Sara Duterte sa impeachment kaugnay sa kontrobersiyal na paggastos ng P612.5 milyong pondo mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamunuan.
Sa kasagsagan ng diktadurya ni Marcos Sr. noong 1982, itinatag ng yumaong Senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr. ang PDP Laban upang labanan ang pang-aabuso ng gobyerno noong Martial Law.
Si Digong Duterte ay tumatayong chairman emeritus ng PDP Laban, habang ang pangulo ay si Sen. Robinhood Padilla, at si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang executive vice president ng partido.