Itinanggi ni House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ang akusasyong pamumulitika lang ang impeachment case na inihain ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte, sinabing resulta ito ng hindi pagpapaliwanag ng Bise Presidente kung paano nito ginastos ang P612-5-million confidential funds.
“’Di pa nga nasasagot si Mary Grace Piattos, sagutin muna nila ‘yun. Ayan, may impeachment na, kaya nga umabot sa punto na ganyan kasi ‘di nga masagot ‘yung napakasimpleng tanong: Sino ba si Mary Grace Piattos? Saan napunta ‘yung mga pera na ‘yan?” ani Ortega.
Hanggang ngayon nga, ayon kay Ortega, ay hindi masagot-sagot ni VP Sara ang tanong kung sino si Mary Grace Piattos, na kabilang sa mahigit 1,300 nakapirma bilang benepisyaryo ng confidential funds ng Office of the Vice President pero walang anumang record sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Ortega, pagkakataon na sana ni VP Sara na sagutin ang isyu ng confidential funds sa impeachment court, pero pinili nitong ipabasura sa korte ang impeachment complaint.